Kilu-kilong tanso, narekober
Photo courtesy: ACTF
Ni Rodolfo Idusora
Binitbit sa Police Station 1 ng Puerto Princesa City Police Office ang dalawang kalalakihan nang umano’y mapansin dahil sa mga kahina-hinala kilos sa Heredero Road, Barangay San Pedro, madaling-araw nitong Agosto 11.
Kinilala ang mga kalalakihan na sina alyas Polen, 26, at Navy, 21, kapwa residente ng nabanggit na barangay.
Tinanong ng mga tauhan ng Anti-Crime Task Force kung saan sila nanggaling at patungo. Ayon sa dalawa, pauwi sila sa Delos Reyes matapos manggaling sa Libis Road.
Nang tanungin naman kung ano ang laman ng kanilang eco bag, sinabi umano ni Polen na mga damit lamang ang kanilang dala.
Gayunman, nang hilingin ng ACTF na ipakita ang laman ng bag, nakita rito ang tinatayang apat hanggang limang kilong tanso o copper wires.
Ayon kay Polen, nagmula umano ang mga tanso sa kanyang kaibigang si Mark, na sinabing residente rin ng Libis Road, Barangay San Pedro.
Inanyayahan ng ahensiya ang dalawang lalaki na sumama sa Police Station 1 para sa kaukulang beripikasyon at disposisyon. Kusang-loob naman silang sumama.
Isinailalim sila sa body search na kung saan nakumpiska kay Polen ang tatlong lighter, isang cellphone, at isang piraso ng foil na nasa kanyang bulsa.
Sinabi rin ni Polen na ang suot niyang short ay hiniram lamang umano niya sa kanyang kaibigan.
Itinurn-over ng Team Mike Delta ang dalawang lalaki sa Police Station 1 para sa karagdagang imbestigasyon at nararapat na disposisyon.