Tinangkang saksakin
Ni Rodolfo Idusora
Nauwi sa kaguluhan ang umano’y napagkasunduang sparring ng ilang kabataan sa Manalo Street corner Fernandez Street, Barangay Tanglaw, Lungsod ng Puerto Princesa, pasado alas-1 ng hapon nitong Huwebes, Agosto 20.
Ayon sa incident report, isinumbong ng tricycle driver sa mga nagpapatrolyang personnel ng Anti-Crime Task Force ang umano’y kaguluhan ng mga kabataan sa lugar. Tinungo ang lugar kung saan ay mabilis na nagsipulasan ang ilang mga kabataang sangkot sa gulo. Na-hold at isinailalim sa imbestigasyon ang mga ito.
Napag-alaman na pawang mga kabataan at estudyante ang mga nasangkot sa insidente.
Ang 16-anyos na biktimang si Harley, residente ng Barangay San Miguel, ay nagtamo ng sugat sa kanyang hinliliit na daliri matapos umanong tangkaing saksakin ni Alyas “Mark”, 19-anyos.
Kasama rin sa insidente sina aliases Rain L., 17; John Carl, 17; at Meshian, 16.
Batay sa salaysay ng biktima, nagkausap umano sila ni Samoya sa online platform at nagkasundong mag-i-sparring. Nagkita ang grupo sa Manalo Street corner Fernandez Street ngunit nauwi umano sa pagtatalo.
Ayon kay Harley, bumunot umano ng kutsilyo si Samoya at tinangka siyang saksakin. Nakaiwas ang biktima ngunit tinamaan ang kanyang hinliliit na daliri.
Napag-alaman ding babae umano ang pinagmulan ng kanilang pagtatalo.
Nang dumating ang mga personnel, tumakas si Samoya at hindi na natagpuan sa isinagawang paghahanap.
Ang iba pang sangkot, kabilang ang biktima, ay dinala sa Police Station 1 para sa blotter at kaukulang imbestigasyon.
Patuloy na inaalam ng pulisya ang buong pangyayari at ang posibleng pananagutan ng mga sangkot.