Ano ang dapat gawin upang mapigilan ang pagbaha sa Palawan?
Ni Albert Villamor Jr.
Hindi natin kayang pigilan ang ulan.
Ito ang isang usapin na nilalaman ng Privilege Speech ni Board Member Ariston Arzaga sa Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan noong Martes, Agosto 19.
Dahil sa pag-ulan, may malawakang pagbaha raw ang nararanasan sa Brooke’s Point. Pero nagbigay siya ng mga hakbang para masiguradong hindi lulubog ang mga lugar sa Palawan.
“Ang pagbaha ay hindi lamang usapin ng panahon. Ito ay usapin ng disaster preparedness, land use, environmental protection, infrastructure, solid waste management, at responsableng pamamahala. Hindi natin kayang pigilan ang ulan,” ani ni Arzaga.
Ang mas mahalagang tanong daw ay: “Ano ang maari nating gawin bago pa dumating ang baha?”
Ang rekomendasyon ni Arzaga: palakasin ang early warning system; kailangang magkaroon ng regular na clearing at maintenance ng mga drainage, kanal, ilog, at waterway; dapat tukuyin at regular na i-update ang flood-prone at landslide-prone areas ng bawat munisipyo; palakasin ang preemptive evacuation ; at palakasin ang barangay-level disaster preparedness.
“Kaya kailangan nating tiyakin na may sapat na rescue equipment, communication equipment, trained responders, evacuation plans, emergency supplies at malinaw na sistema sa bawat barangay,” dagdag pa ni Arzaga.
Ang isang problema daw na dapat pagtuunan ng pansin ang pagbaha na “hindi na bago sa atin, ngunit patuloy na kumikitil sa kabuhayan, sumisira ng ari-arian, at naglalagay sa panganib sa buhay ng ating mga kababayan – ang pagbaha dulot ng malalakas at tuluy-tuloy na pag-ulan ng Habagat”.
Maari rin daw maging inspirasyon kontra baha ang sistema na pinatutupad ng Quezon City.
“… Halimbawa, ang Quezon City ay nagpatupad ng mga drainage improvement, detention basins, retention ponds, restoration ng waterways, declogging at iba pang flood-mitigation measures, kasabay ng mas matibay ng disaster preparedness,” mungkahi ni Arzaga para sa pamahalaan at katuwang nito.