Paggamit ng hindi awtorisadong improvised poate, ipagbabawal na
Photo Courtesy: Repetek
Ni Clea G. Cahayag
Simula buwan ng Setyembre, taong kasalukuyan, mahigpit nang ipatutupad ng Land Transportation Office (LTO) ang Memorandum Circular No. MVL- 2026-5314 o mas kilalang “Revised Guidelines on the Use of Improvised/Temporary Plate and Prohibition on the Use of Fake License Plates”.
Ito ay matapos mag-isyu ng kautusan si LTO Assistant Secretary Markus V. Lacanilao hinggil sa wastong paggamit ng improvised plate.
Sa panayam ngayong Martes, Agosto 25, sinabi ni Albert Acosta, Law Enforcer ng LTO Palawan, na simula Setyembre ay sisimulan na ang panghuhuli sa mga motoristang gumagamit ng hindi awtorisadong improvised plate.
“Although, itong paggamit ng improvised plate ay hindi na rin naman bago pero may mga in-emphasized lang na mga dapat gawin ang isang owner para talagang masunod ‘yung ninanais ng LTO para sa mga sasakyan na wala ng plaka.
Sa parating po na September ‘yung usual po na ginagawa ng LTO law enforcement, araw-araw naman ito ginagawa ng LTO ‘yung panghuhuli at pagdating sa paggamit ng improvised plate baka mayroon pa rin dyan sa kalsada na hanggang ngayon ay hindi pa rin nag-aapply ng duplicate plate, wala silang authorization. It’s about time na i-apply nila para pagka sila ay naflag down mayroon silang maipakita,” pahayag ni Acosta sa lokal midya.
Ang mga mahuhuling lalabag ay maaaring pagmultahin ng 5,000 pesos.
Kapag nahuli, bibigyan ang motorista ng tatlong araw o katumbas ng 72-oras upang bayaran ang kaukulang violation.
Sa nakuhang kopya ng circular ng
Repetek News
, nakasaad na ang improvised plates ay tumutukoy sa plaka na maaaring gawin ng vehicle owner habang hinihintay ang kapalit ng nawala o nasirang plaka ng sasakyan.Ito ay dapat may kasamang awtorisasyon para sa paggamit at dapat sumunod sa mga itinakdang espisipikasyon ng Memorandum Circular No. VDM-2024-2721.
Paalala ng LTO sa mga motorista, mainam na kumuha ng awtorisasyon para sa duplicate plate upang maiwasan ang anumang paglabag.
“At ‘yun ay dapat dala-dala palagi sa sasakyan para halimbawang magkaroon ng operation ang LTO ma-flag down, sila ay may maipapakita sa law enforcers—‘yung pag-apply nila ng duplicate plate,” dagdag pa ng opisyal.
Binigyang-diin ni Acosta sakop ng operasyon ang lahat ng pampubliko at pribadong sasakyan sa lalawigan ng Palawan.
Paalala rin nito sa mga gumagamit ng temporary plates na dalhin palagi ang Official Receipt and Certificate of Registration o ORCR upang may maipakitang basehan sa legal na paggamit ng sasakyan.
Ang temporary plates ay tumutukoy sa mga plakang iniisyu ng mga dealership sa mga vehicle owner habang hinihintay ang pag-isyu ng aktuwal na plaka para sa bagong rehistradong sasakyan.
“Pagdating sa temporary plate hindi naman agad agad naibibigay. Pina-process pa, so ‘yun po ay may mga pagkakataon naman na i-consider siya although ang sabi po ni hepe sa akin ay “matulungan ‘yung owner na makuha niya kaagad ang plaka niya. Siguro may mga coordination na gagawin para atleast malaman doon sa pinanggalingan ‘yung availability ng plaka,” paliwanag pa ni Acosta.