Apat na wanted persons, himas-rehas
Editor’s Note: “Blurred” ang larawan ng biktima o suspek alinsunod sa probisyon ng Data Privacy Act. Photo Courtesy: PalPPO
Ni Samuel Macmac
Naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng mga tauhan ng Palawan Provincial Police Office (PalPPO) ang apat na indibidwal, kabilang ang No. 1 Municipal-Level Most Wanted Person ng San Vicente nitong Agosto 24.
Sa bisa ng mga warrant of arrest at commitment order na inilabas ng iba’t ibang korte, nahuli ang San Vicente Most Wanted Person, 70-taong gulang na magsasaka mula Brgy. Tanatanaen, Dumaran, dahil sa kinakaharap na kasong Acts of Lasciviousness kaugnay ng Republic Act 7610. My inirekomenda naman ang korte na piyansa na halagang P200,000.00 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Kasong Estafa naman ang kinakakaharap ng 47-anyos na karpintero na naaresto sa Brgy. Port Barton, San Vicente. Ang piyansa ay itinakda sa P18,000.00.
Sa bayan ng Narra, nahaharap ang 24-anyos na mangingisda mula Sofronio Española sa kasong paglabag sa Anti-Illicit Act Trade Ordinance. Ikinulong siya at sinentensiyahan ng anim na buwang pagkakakulong at P5,000.00 multa.
Frustrated Homicide naman ang kinakaharap na kaso ng isang 54-taong gulang na magsasaka sa bayan ng Bataraza na sinilbihan ng warrant habang nasa custodial facility. Itinakda ng korte ang piyansang P24,000.00.
Samantala, patuloy na pinaiigting ng PalPPO sa ilalim ng pamumuno ni Police Colonel Joel D. Casupanan, Provincial Director, ang intelligence-driven operation at koordinasyon sa mga ahensya upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.