August 26, 2026
1787695440107

Photo Courtesy: PalPPO

Ni Samuel Macmac

Nasakote sa operasyon ng Palawan Provincial Police Office (PalPPO) ang dalawang mangingisda mula lalawigan ng Occidental Mindoro nang mahuling nagsasagawa ng ilegal na pangingisda sa Palawan.

Sa isinagawang seaborne patrol ng Linapacan Municipal Police Station (MPS) nitong Agosto 24, nasabat sa operasyon ang isang berdeng bangka malapit sa Tres Reyes Island, Barangay Decabaitot, nabanggit na bayan.

Sakay ng nasabing bangka ang mga dalawang mangingisda edad 50 at 26, kapuwa residente ng Brgy. Tabuk, Buenavista, Sablayan, Occidental Mindoro na nasakote matapos hindi nakapagpakita ng kaukulang dokumento o permit para mangisda sa loob ng municipal waters ng lalawigan ng Palawan.

Nakumpiska ang motorized banca na may dalawang YAMAHA 12-horsepower engines, 200 kilo ng isda na tinatayang P26,000 ang halaga, dalawang ice boxes at isang timbangan. Sa ulat ng pulisya, umabot sa P181,000 ang kabuuang halaga ng nakumpiska mula sa dalawang mangingisda.

Inilahad pa ng mga awtoridad, pinaghihinalaang mula sa paggamit ng eksplosibo o ipinagbabawal na pamamaraan ang mga huling isda. Magsasagawa naman pagsusuri ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Coron upangmatukoy ang aktwal na pinagmulan ng huli.

Samantala, nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa ilalim ng Section 126 ng Republic Act 10654, depende sa resulta ng imbestigasyon. Hinihikayat ang publiko na makipag-ugnayan sa mga awtoridad kung may anumang kahina-hinalang aktibidad upang mapanatili ang kaligtasan ng yamang dagat ng lalawigan.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *