‘Respeto sa mga kaanak at nasawi’
Photo Courtesy: Lyndy Kaye Oncepida
Ni Rodolfo Idusora
Nanawagan ang pamilya ng tatlong mga estudyanteng nasawi sa isang malagim na aksidente sa Barangay Tiniguiban.
Ayon sa mga kaanak, ‘respeto at pang-unawa’ ang kanilang hinihingi mula sa publiko, matapos umani ng negatibong komento at samu’t saring opinyon ang nangyaring fatal crash noong madaling araw ng Agosto 25.
Masakit para sa kanila na mabasa ang mga komentong tumutukoy sa umano’y pag-inom, kawalan ng lisensya, mabilis na pagmamaneho at iba pang paninisi sa mga nasawi at sa drayber, ayon sa pamilya.
Sinabi ng pamilya na kanilang nauunawaan na maaaring may mga maling desisyon na nagawa bago ang aksidente. Ngunit, hindi umano ito dahilan upang dagdagan pa ang sakit na kanilang nararamdaman.
Iginiit din ng pamilya na hindi nila sinisisi ang drayber at wala silang hinihinging kampihan o sisihin ang sinuman. Ang kanilang pakiusap ay bigyan ng pagkakataon ang mga naulila na magluksa nang walang dagdag na masasakit na salita.
“Hindi namin kailangan ng dagdag na sisi. Kailangan namin ngayon ng panalangin, respeto at kaunting pang-unawa,” ayon sa pamilya.
Hiniling din nila sa mga nagkokomento sa mga news page at social media na isipin muna ang epekto ng kanilang mga salita sa mga pamilyang direktang naapektuhan ng insidente.
Ayon pa sa pamilya, hindi na maibabalik ang buhay ng mga nasawi. Nais nilang magsilbing aral ang nangyari upang mas maging maingat at responsable ang mga motorista sa kalsada.
Nagpasalamat naman ang pamilya sa mga taong patuloy na nagbibigay ng panalangin, pakikiramay at suporta sa kanila.
Sa huli, simple lamang ang kanilang hinihiling: huwag nang dagdagan ang sakit ng mga pamilyang nagluluksa.