Estafa case vs Dizon, pansamantalang ibinasura
Ni Rodolfo Idusora
Pansamantalang ibinasura ng Regional Trial Court (RTC) Branch 49 sa Puerto Princesa City ang kasong estafa laban kay Hydhe S. Dizon, dating Executive Assistant ng Office of the Mayor ng Puerto Princesa City.
Sa kautusang nilagdaan ni Presiding Judge Paz Soledad Rodriguez-Cayetano, ipinag-utos ang provisional dismissal ng kaso matapos hindi dumalo sa pagdinig ang private complainant at isang saksi ng prosekusyon.
Ayon sa korte, hindi nakapaghain ng ebidensya ang prosekusyon sa initial presentation of evidence dahil sa hindi pagdalo ng mga kinakailangang saksi.
Dahil dito, pansamantalang ibinasura ang kaso at pinalaya si Dizon mula sa pagkakakulong kaugnay ng nasabing reklamo.
Ang provisional dismissal ay hindi pa itinuturing na permanenteng pagbasura sa kaso. Maaari pa itong muling ihain o buhayin sa loob ng itinakdang panahon at alinsunod sa mga legal na kondisyon. Kung hindi ito maibabalik sa loob ng dalawang taon, maaari itong maging permanenteng dismissal.
Matatandaang nakulong si Dizon sa Female Dormitory ng Puerto Princesa City Jail sa ilalim ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) noong Pebrero 23, 2026, kaugnay ng kasong estafa sa ilalim ng Article 315, Paragraph 2(d) ng Revised Penal Code, na inamyendahan ng Republic Act No. 10951.
Si Dizon ay dating pinagkakatiwalaan umano ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron sa ilang mahahalagang transaksyon.
Samantala, sinisikap pang makuha ang panig ni Dizon kaugnay ng naging desisyon ng korte.