Amicable settlement sa pagitan ng pamilya at tanker truck company
Photo Courtesy: Repetek
Ni Rodolfo Idusora
Bukas ang pamilya ng tatlong estudyanteng nasawi sa aksidente sa Barangay Tiniguiban, Puerto Princesa City, sa posibilidad ng amicable settlement sa pagitan nila, ng driver, at ng kompanyang nagmamay-ari ng tanker truck na sangkot sa insidente.
Sa eksklusibong panayam ng
Repetek News
sa tatlong pamilya, sinabi nilang mabigat para sa kanila ang magsampa at humarap sa kaso dahil sa kakapusan sa pera para sa gastusin sa legal na proseso.Bukod dito, magiging dagdag na problema rin umano sa mga pamilya ang pagdalo sa mga pagdinig dahil malalayo ang kanilang mga lugar mula sa Puerto Princesa City.
Nitong araw ng Miyerkukes, inaasahang nagkaroon ng pag-uusap ang tatlong pamilya ng mga biktima at ang kinatawan ng kompanyang nagmamay-ari ng tanker truck upang pag-usapan ang posibleng kasunduan.
Ayon sa mga pamilya, nais nilang malaman ang magiging alok ng kompanya bago sila magpasya kung tatanggapin ang amicable settlement o itutuloy ang legal na proseso.
Matatandaang nasawi ang tatlong sakay ng isang motorsiklo matapos sumalpok sa kasalubong na tanker truck sa Barangay Tiniguiban, Puerto Princesa City, madaling araw noong Agosto 25.
Kinilala ang mga biktima na sina Princess Lara Padon, 20, ng Araceli, Palawan; Carl Abajo ng Sto. NiƱo, San Vicente; at Dominic Ladica ng Barangay Calandagan, Araceli, Palawan.
Magkasintahan sina Padon at Abajo, habang magpinsan naman sina Padon at Ladica.
Naiuwi na sa San Vicente ang mga labi ni Abajo. Samantala, nakatakdang dalhin sa Araceli ang mga labi nina Padon at Ladica sa nitonh Huwebes, depende sa magiging pinal na desisyon ng kanilang pamilya.
Patuloy namang inaasahang aalamin ng mga awtoridad ang buong pangyayari at pananagutan sa aksidente.
Nanatiling nasa kustodiya ng Puerto Princesa City Police Office ang drayber ng truck habang nasa proseso pa ang pag-uusap.