Biyudong wanted, arestado sa homemade shotgun
Photo Courtesy: PalPPO
Ni Samuel Macmac
Himas-rehas ang isang No.1 Most Wanted Person sa bayan ng Quezon, Palawan, sa ikinasang operasyon ng sa Barangay Tagusao. Nakumpiska rin sa kaniyang pagmamay-ari ang isang improvised shotgun.
Sa ilalim ng pamumuno ni PCPT Perilico N. Calingao ng Quezon Municipal Police Station (MPS), matagumpay na naaresto sa isinagawang operasyon ang 72-anyos na magsasaka at biyudo na residente ng nasabing barangay.
Batay sa warrant of arrest, may kinakaharap na kaso ang suspek kaugnay ng tatlong kaso ng paglabag sa Article 266-A(D) ng Revised Penal Code na inamyendahan ng Republic Act 8353 at Republic Act 11648. Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Habang isinasagawa ang pag-aresto sa bisa ng warrant of arrest, nadiskubre ng mga operatiba ang isang shotgun na nakalapag sa sahig at nasa ilalim umano ng kontrol ng suspek at agad na nakumpiska ng mga operatiba.
Isinagawa ang operasyon bandang alas-5:48 ng hapon nitong Agosto 27 katuwang ang Palawan Provincial Intelligence Unit (PIU), Regional Intelligence Unit 4B, 1st Palawan Provincial Mobile Force Company, PNP Maritime Group, at 401st Battalion RMFB.