August 29, 2026
1787876520035

Ni Rodolfo Idusora

Na-trap sa loob ng manhole ang isang aso na matagumpay namang nasagip ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Puerto Princesa City noong Agosto 26, kasabay ng pagdiriwang ng International Dog Day.

Sa ilalim ng pamumuno ni FCINSP Angel Lynn B. Salvador, City Fire Marshal, agad na rumesponde ang mga naka-duty na tauhan ng BFP matapos makatanggap ng ulat tungkol sa asong nahulog at hindi makalabas sa manhole.

Pagdating sa lugar, mabilis na sinuri ng rescue team ang sitwasyon at isinagawa ang ligtas na paraan ng pagsagip sa hayop. Sa maayos na koordinasyon at paggamit ng tamang pamamaraan, matagumpay nilang nailabas ang aso nang hindi ito nasaktan.

Ayon sa BFP, mahalaga ang bawat buhay, kabilang ang mga hayop na nangangailangan ng tulong sa oras ng panganib. Ipinakita rin ng insidenteng ito ang kahandaan ng mga bumbero na tumugon hindi lamang sa sunog at iba pang sakuna kundi maging sa mga rescue operation para sa mga alagang hayop.

Mahalaga ang ikinasang animal rescue operation dahil isinagawa ito sa mismong araw ng International Dog Day, isang pagdiriwang na nagbibigay-pugay sa katapatan at kahalagahan ng mga aso sa buhay ng tao.

Patuloy namang hinihikayat ng BFP ang publiko na agad na magbigay ng impormasyon sa mga awtoridad kung may mga hayop na nasa panganib upang agad itong matulungan.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *