May smartphone ka? baka guilty ka na ng ‘doomscrolling’
Photo Courtesy: Repetek
Ni Albert Villamor Jr., LPT
Lagi ka bang nagbabasa o nanonood ng mga content na nakapagdudulot sa iyo ng negatibong emosyon? Baka guilty ka na ng ‘doomscrolling’ na ginagawa mo sa smartphone mo.
Ang doomscrolling ay ang pagnanais na magbasa o manood ng mga content sa internet na nagdadala sa iyo ng negatibong emosyon. Sa Facebook man iyan, sa X o Twitter man iyan, sa Instagram man iyan, we name it, at iba pang website sa world wide web o internet.
Malabo? Halimbawa, kapag nag-log-in ka sa social media mo, ang lagi mo kaagad na binibisita o pinapanood o binabasa ay ang mga nakalulungkot o nakagugulat na mga content o impormasyon.
Ayon sa americanbrainfoundation, nakakaapekto ito sa kaugalian mo na nagiging isang compulsion o kasanayan. Mayroon itong negatibong epekto sa iyo. Kaya, kinakailangan na may limitasyon ka sa sarili mo o boundaries.
Ilan daw sa mga negationg epekto ng doomscrolling ay ang pagtaas ng pressure ng dugo, at binabago ang kakayahan ng utak mo na mag-concentrate, magdesisyon, at kontrolin ang emosyon mo. May dala rin itong banta sa mental health mo.
Ang doomscrolling daw, ayon sa americanbrainfoundation, ay may banta sa kalidad o kalusugan ng pag-iisip mo: mas pinapatindi raw nito ang mga negatibong pag-iisip o damdamin mo, pinatataas ang pagka-iritable mo, pagkabalisa at depresyon, panic attacks o pagkataranta, mental fatigue o kapakuran ng isip, distress, walang tiwala sa sarili, at hirap sa pagtulog, at iba pa.
Ayon sa Cleveland Clinic: Doomscrolling is the habit of endlessly scrolling through upsetting or negative content online — even when it makes you feel worse. It often happens on social media or news apps, where one alarming post after another keeps you hooked.
Ang doomscrolling ay opisyal na naging salita noong 2018, bago pumutok ang pandemyang COVID-19. Pero may mga tala na nagsimula ito nung 2013 sa Twitter o ‘X’.
Uulitin ko: kailangan mong limitahan ang sarili mo sa social media o internet para hindi mag-doomscroll.
May mga suhestiyon naman kung paano ma-kontrol ang sarili mo laban sa doomscrolling mula sa mga eksperto.
Ito ang ilan sa mga suhestiyon para makontrol ang sarili, ayon sa americanbrainfoundation: huwag sundan ang mga accounts na malimit mag-post ng negatibong content, magkaroon ng limitasyon sa oras, huwag gamitin ang cellphone kapag nagtatrabaho, i-grayscale mo ang hitsura o ilaw ng cellphone mo, mas bigyan ng atensyon ang mga lokal na balita katulad ng inilalabas ng Repetek at iba pang lokal na news outlet, palitan ang doomscrolling ng mas kapakipakinabang na aktibidad, at kausapin ang isang propesyunal kung kinakailangan.
Mag-relax ka rin!