Puerto Princesan Topnotcher, pinarangalan
Photo Courtesy: Repetek
Ni Rodolfo Idusora
Kinilala at pinarangalan ng Sangguniang Panlungsod ng Puerto Princesa si Laurence Jazzel U. Mendoza matapos nitong manguna sa August 2026 Sanitary Engineers Computer-Based Licensure Examination.
Nagtala si Mendoza ng 88.08 percent na average, daan para maging top performer sa nasabing licensure examination.
Ang pagkilala kay Mendoza ay isinagawa ng 18th City Council sa pangunguna ni Vice Mayor Peter “Jimbo” Maristela.
Hindi personal na nakadalo si Mendoza sa seremonya dahil sa prior commitment. Ang kanyang ina na si Mrs. Haidie Mendoza ang tumanggap ng parangal para sa kanya.
Si Laurence ay nagtapos ng Bachelor of Science in Environmental and Sanitary Engineering sa Mapúa University-Manila. Bago siya nagtapos ng kolehiyo, nakapagtala rin siya ng magandang academic record.
Nagtapos siya ng elementarya sa Santa Monica Elementary School bilang valedictorian.
Nagpatuloy naman siya sa Palawan State University-Integrated Laboratory Schools-Senior High (PalawanSU ILS-SH) para sa kanyang senior high school education.
Ayon kay Mrs. Mendoza, nagpapasalamat ang kanilang pamilya sa mga miyembro ng 18th City Council sa pagkilala sa kanyang anak.
Aniya, malaking bagay ang parangal dahil kinikilala nito ang pagsisikap at tagumpay ni Laurence sa kanyang pag-aaral at pagsusulit.
Maaari rin umanong magsilbing inspirasyon ang kanyang tagumpay sa mga kabataang patuloy na nagsusumikap sa kanilang pag-aaral.
Ipinakita ni Mendoza na sa pamamagitan ng pagsisikap, paghahanda at determinasyon, maaaring makamit ng mga kabataan ang kanilang mga layunin at pangarap.