September 9, 2026
FB_IMG_1788875742642

Ni Rodolfo Idusora

Pansamantalang inalis sa kanilang kasalukuyang assignment ang dalawang police personnel ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) nang makipagbunuan laban sa isang sibilyan.

Naganap ang insidente bandang alas-6:30 ng gabi noong Setyembre 5 sa Burgos Street, Purok Rosas, Barangay Masikap, nabanggit na lungsod.

Ayon sa Police Station 1, agad na umaksyon ang mga awtoridad nang iulat ang insidente sa kanilang tanggapan.

Kasalukuyang isinasagawa ang imbestigasyon upang matukoy ang eksaktong pangyayari at pananagutan ng sinumang sangkot sa nasabing insidente.

Kabilang sa mga hakbang ng pulisya ang pagkuha ng mga salaysay sa mga saksi, pagberipika ng mga impormasyon at pagsusuri sa mga available na ebidensiya.
Bilang precautionary measure, inalis muna sa kanilang kasalukuyang puwesto ang dalawang police personnel habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Ayon sa pulisya, ginawa ang hakbang upang maiwasan ang posibleng panghihimasok o impluwensiya sa isinasagawang imbestigasyon at upang matiyak na magiging maayos ang proseso ng pagkuha at pagsusuri ng mga ebidensiya.

Nilinaw naman ng City Police Office na ang pansamantalang pag-relieve sa dalawang pulis ay hindi nangangahulugang napatunayan na silang may kasalanan.

Mananatili silang sakop ng due process habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Kung mapatutunayang may paglabag sa batas, PNP rules o umiiral na mga polisiya, maaari silang humarap sa kaukulang administratibo at/o legal na aksiyon.

Patuloy namang kinokolekta ng Police Station 1 ang mga kinakailangang impormasyon upang mabuo ang buong larawan ng insidente.
Inaasahang maglalabas ng karagdagang impormasyon ang awtoridad kapag nakumpleto na ang mahahalagang bahagi ng imbestigasyon.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *