Sinunog ang kable; may nakuha ring Marijuana
Photo Courtesy: ACTF
Ni Rodolfo Idusora
Naabutan ng mga awtoridad ang tatlong kalalakihan, kabilang ang isang menor de edad, habang nagsusunog ng mga wire at kable sa Delos Reyes Road II, Barangay San Pedro, Lungsod ng Puerto Princesa, nitong Biyernes, Setyembre 11.
Kinilala ang mga nasakota na sina Monico Villegas, 45, residente ng Barangay Bagong Silang; King Lenard Lagaras, 21, at isang 17-anyos na menor de edad na residente ng Barangay Pagkakaisa.
Habang nagsasagawa ng pag-iikot sa loob ng Temporary Shelter ang mga tauhan ng Puerto Princesa City Anti-Crime Task Force, naabutan ang tatlong kalalakihan na nagsusunog ng mga wire at kable, kabilang ang ilang mga hinihinalang electrical cable.
Sa pahayag nina Lagaras at ng menor de edad, humiram lamang umano sa kanila si Villegas ng lighter dahil may susunugin ito. Sinundan umano nila si Villegas at doon nakita ang mga wire at kable. Itinanggi naman ng dalawa na may kinalaman sila sa pinagmulan ng mga kable.

Ayon kay Villegas, ang ilan sa mga wire ay mula umano sa kanyang welding machine, habang ang iba ay dati nang nasa lugar at nasunog na.
Humingi ng assistance ang Anti-Crime Task Force sa PNP Police Station 1 (PS1) para sa imbestigasyon. Nakipag-ugnayan din sila sa City Engineering Office.
Kinumpirma umano ng City Engineering personnel na ang ilan sa mga kable ay electrical cables na ginagamit sa kanilang installation sa Temporary Shelter. Napag-alaman din na ang isang electric outlet na dala ng mga suspek ay umano’y kinuha mula sa paligid ng shelter nang walang pahintulot.
Sa isinagawang body search, nakuhanan si Villegas ng mga screw, flashlight at isang rolyo ng tansong wire. Walang nakumpiska sa menor de edad.
Samantala, isang sachet na naglalaman ng hinihinalang marijuana ang narekober umano mula sa bulsa ni Lagaras. Dinala ang tatlo sa PNP PS1 Mendoza para sa imbestigasyon at kaukulang proseso. Inihahanda ang posibleng mga kaso batay sa nakalap na ebidensya.