“Bawal na tricycle sa Airport? “- Jimmy Carbonell
Photo Courtesy: Jimmy Carbonell
Ni Rodolfo Idusora
Kinuwestiyon ni dating konsehal Jimmy Carbonell ang umano’y pagbabawal sa pagpasok ng mga tricycle sa Puerto Princesa International Airport, dahil aniya ay nahihirapan ang ilang pasahero, lalo na ang senior citizens at persons with disabilities (PWD).
Sa kanyang puna, sinabi ni Carbonell na malayo ang kailangang lakarin ng mga pasahero mula sa terminal ng paliparan patungo sa labas ng gate kung saan naghihintay ang mga tricycle.
Ayon sa dating opisyal, higit na mahirap ito para sa mga matatanda, PWD, buntis na may kasamang maliliit na anak, at mga biyaherong may dalang mabibigat na bagahe.
Ibinahagi rin niya ang isang insidente kung saan kinailangan pang umalalay ang ilang indibidwal sa isang babaeng may kapansanan at isang 90-anyos na lalaki matapos bumaba sa paliparan.
“Sana payagan pa rin lahat makapasok,” bahagi ng panawagan ni Carbonell.
Nanawagan din ang dating konsehal sa pamunuan ng paliparan at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan upang pag-usapan ang sitwasyon at makahanap ng solusyon.
Giit niya, dapat isaalang-alang ang kalagayan ng mga pasahero na nahihirapang maglakad, partikular ang mga senior citizen at PWD.
Maaari rin umanong makaapekto sa karanasan ng mga lokal at dayuhang turista ang kasalukuyang sistema ng pagsundo at paghatid sa paliparan.
Sa halip na simpleng pagbabawal, iminungkahi ni Carbonell na magkaroon ng koordinasyon ang mga opisyal ng lungsod at pamunuan ng paliparan upang matukoy ang paraan na magiging ligtas at mas madali para sa mga pasahero.
Samantala, hinihintay ang paglilinaw ng pamunuan ng Puerto Princesa International Airport at CAAP hinggil sa aktuwal na patakaran sa pagpasok ng mga tricycle sa paliparan.