Mangingisda, huli
Photo Courtesy: PalPPO
Ni Samuel Macmac
Kumpiskado ang higit 73,000 libong pisong halaga ng mga kagamitan at huling isda nang maaresto sa ikinasang seaborne patrol ang anim (6) na mangingisda mula Linapacan, Palawan nang maaktuhang gumagamit ng ipinagbabawal na air compressor sa pangingisda.
Ayon sa Linapacan Municipal Police Station (MPS), nadakip an mga suspek na nasa edad 30 hanggang 53 mula Brgy. New Colaylayan, nabanggit na bayan, na nadiskubreng gumagamit ng air compressor sa kanilang spear fishing activity sa karagatan ng Rawis Rock, Sitio Guinto.
Sa operasyon, nakumpiska ang motorized banca na ginamit sa ilegal na pangingisda, air compressor na may hose, 30 kilo ng sari-saring isda na tinatayang P3,600 ang halag, tatlong (3) improvised spearguns, diving fins, masks, hand nets, at flashlights. Sa ulat ng pulisya, umabot sa P73, 600 ang kabuuang halaga nakumpiskang kagamitan.
Samantala, dinala sa Linapacan MPS ang mga naaresto at ang mga nakumpiskang kagamitan para sa tamang dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.