Laborer, patay nang barilin
Ni Samuel Macmac
Babala: Naglalaman ng sensitibng balita; may kaugnayan sa karahasan. Maging disente sa pagkomento.
Nasawi ang 41-anyos na laborer nang barilin ng hindi pa nakikilang suspek habang nag-aayos ng kanyang itak sa tabing-ilog sa Barangay Iraan, sa bayan ng Rizal, Palawan.
Ayon sa Municipal Police Station (MPS), patuloy na iniimbestigahan ang insidente ng pamamaril na naganap bandang alas-9:00 ng umaga sa naturang barangay nitong Setyembre 21.
Kinilala ang biktima na si alyas “Eddie”, residente ng Brgy. Quinlogan, Quezon, Palawan. Sa ulat ng pulisya, habang nakaupo at inaayos ng biktima ang hawakan ng kanyang bolo, bigla umano siyang binaril mula sa likuran ng isang hindi pa nakikilalang salarin.
Sa gilid ng ilog bumagsak ang biktima at natagpuang duguan at wala nang buhay ng mga rumespondeng pulis. Bandang alas-2:00 ng hapon, nakatanggap ng tawag ang Rizal MPS mula sa Brgy. Iraan na nag-ulat ng naturang insidente.
Agad nagtungo ang pulisya sa nasabing lugar upang magsagawa ng beripikasyon at imbestigasyon. Dinala ang bangkay ng biktima sa Rizal Medicare Hosital para sa post-mortem examination ng attending physician.