PalawanSU topnotchers, may tatanggaping insentibo
Ni Rodolfo Idusora
May nakalaang insentibo ang Palawan State University (PalawanSU) para sa mga graduate nito na nakapasok sa Top 10 o topnotchers’ lists ng anumang mga licensure examination sa bansa.
Ayon kay PalawanSU President Dr. Venzon Limpiada, isasagawa ang pagbibigay ng insentibo alinsunod sa Resolution No. 149, series of 2023, na nagtatakda ng grant para sa mga Bar at Board Examination topnotchers.
Sa ilalim ng resolusyon, ₱200,000 ang nakalaan para sa Top 1, ₱100,000 para sa Top 2 hanggang Top 5, at tag-₱50,000 para sa mga makapasok sa Top 6 hanggang Top 10.
Kabilang sa mga inaasahang makakatanggap ng tag-₱50,000 sina Ma. Jelome Gabasa Aspe, Faith Anne Misajon Cornel, at Felix Nathaniel Marquez Macalacad.
Nakuha ni Aspe ang Top 8 sa September 2026 Psychometrician Licensure Examination, na may rating na 92.80%.
Samantala, parehong Top 9 sina Cornel at Macalacad, na nakapagtala ng 92.60% rating.
May insentibo rin na tag-₱50,000 para sa dalawang PalawanSU graduates na nakapasok sa Top 10 ng 2026 Social Worker Licensure Examination. Ito ay sina Kate Ember Rana Manlavi, na nakuha ang Top 6 na may 92.20% rating, at Iris Luba Alegre, na nakapasok sa Top 9 na may 91.60%.
Sa kabuuan, limang PalawanSU graduates ang kabilang sa mga topnotcher na inaasahang tatanggap ng insentibo mula sa unibersidad.
Ang pagbibigay ng grant ay isasagawa matapos makumpleto ng mga benepisyaryo ang mga kinakailangang dokumento at proseso.
Bahagi ito ng programa ng PalawanSU para sa mga graduate na nakapagtala ng top ranking sa mga licensure examination.