Sinaksak sa Mukha
Ni Rodolfo Idusora
Sugatan ang 69-anyos na tsuper nang umano’y saksakin sa mukha gamit ang screwdriver ng kapuwa tsuper sa Rizal Avenue, Puerto Princesa City, nitong madaling-araw ng Martes, Setyembre 29.
Kinilala ang biktima sa pangalang Deo, residente ng Barangay Sta. Monica, habang ang suspek ay nakilala lamang sa alyas na “Ramil,” nasa hustong gulang, at residente ng Barangay Sta. Lourdes.
Ayon sa ulat ng City Anti-Crime Task Force, nadatnan ang biktima na sugatan, na agaran namang tumawag ng ambulansiya upang mabigyan ng paunang lunas ang biktimang tsuper.
Sa salaysay ng biktima, nauna umano niyang nakuha ang isang pasahero na hinihintay din ni Ramil. Dahil dito, sinigawan umano siya ng suspek at tinawag na “buwaya.”
Nagkaroon umano ng pagtatalo ang dalawa nang mag-abutan sila sa Rizal Avenue. Ayon kay Deo, bigla siyang nilapitan ni Ramil at sinaksak sa mukha gamit ang screwdriver.
Matapos ang insidente, nagsagawa ng roving patrol ang mga tauhan mula Junction 1 patungong Barangay Sta. Lourdes upang hanapin ang suspek, ngunit hindi na ito nakita.
Dinala at itinurn-over ang biktima sa Police Station 1 (PS1) para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon. Patuloy namang inaalam ng pulisya ang buong detalye ng insidente at ang kinaroroonan ng suspek.