Water rationing plan, inihahanda
Photo Courtesy: Repetek
Ni Clea Faye G. Cahayag
Bagaman malayo pa ang summer, mayroon nang inihahandang water rationing plan ang Puerto Princesa City Water District (PPCWD).
Ayon kay PPCWD General Manager Walter Laurel, kapag umabot sa Level 3 ang produksyon ng tubig, ipatutupad ang water rationing o magkakaroon ng iskedyul sa pagsusuplay ng tubig sa mga barangay.
Sa Level 3, nangangahulugang kritikal o emergency na ang lagay ng suplay sa lungsod at kapag ito ay bumaba sa 25 porsiyento o 1,296,014 million cubic meter tinatayang 15,000 kabahayan ang makararanas ng kakulangan sa suplay.
“Worst case scenario magra-rationing tayo ng tubig. Mayroon na ring nakalatag para pagdating ng araw na our production will fall below 25 percent; it means, 15,000 households sa buong Puerto Princesa ang magkukulang ng tubig. Hindi ito maliit na bilang kaya kailangan paghandaan natin,” ani Laurel.
Sa kasalukuyan ang PPCWD ay nagsusuplay ng 59,000 cubic meters ng tubig araw-araw sa humigit kumulang 60,000 kabahayan.
Para masabing sapat ang suplay ng tubig kinakailangan makapagprodyus ng 1.7 millions cubic meter pataas kada buwan.
Kapag umabot sa Level 3, mayroon ding ipagbabawal na mga aktibidad tulad ng pagbabawal sa pagrefill ng swimming pool o fountain at iba pa na itinuturing na pag-aaksaya ng tubig sa panahon na mayroong kakulangan.
“Mayroon kaming isasubmit sa City Council na ipapaadopt namin as ordinance or maybe in a form of Executive Order ni Mayor na mayroon tayong mga activities na ipagbabawal kapag bumaba na sa 25% ang ating water supply,” dagdag pa ng opisyal.
Tiniyak naman ng pamunuan ang patuloy na monitoring sa lebel ng produksyon ng tubig upang maipatupad ang mga mitigating measures kung kinakailangan.
Sinabi ni Laurel na nasa “normal” pa ang water production sa lungsod dahil sa mga naging pag-ulan nitong buwan ng Setyembre.