October 10, 2026
FB_IMG_1791587690387

Ni Rodolfo Idusora

Suspensyon ng isang taon na walang sahod ang ipinataw ng Office of the Ombudsman kay Atty. Carlo Gomez ng City Environment and Natural Resources Office (ENRO) kaugnay sa umano’y paglabag sa proseso ng rehabilitation at dredging project sa Malinao River, Barangay Simpokan.

Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng mga lider ng Sambayanan ng mga Tagbanua na nagsabing hindi sila nakonsulta bago ipatupad ang proyekto noong taong 2022.

Ayon sa reklamo, maaaring nilabag dito ang Republic Act 8371 o Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA), na nagpoprotekta sa karapatan ng mga katutubong grupo.

Kasama sa proyekto ang rehabilitation at dredging ng Malinao River matapos ang pinsalang dulot ng Bagyong Odette.

Nakasaad sa proyekto na maaaring makakuha ang contractor ng hanggang 6,000 cubic meters ng surplus gravel mula sa ilog bilang bahagi ng operational cost.

Batay sa ruling ng Ombudsman, si Gomez, na nagsilbing technical secretariat ng City Mining Regulatory Board (CMRB), ay naglabas umano ng clearance para ituloy ang proyekto bago makuha ang kinakailangang certification mula sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at bago ang approval ng CMRB.

Dahil dito, nakita ng Ombudsman na may ‘administrative liability’ si Gomez dahil sa “conduct unbecoming of a public officer.”

Inabsuwelto naman ng Ombudsman ang iba pang mga opisyal ng barangay na kasama sa reklamo.

Kung hindi na maisasagawa ang isang taong suspensyon, maaari itong palitan ng multa na katumbas ng anim na buwang sahod ni Gomez.

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, patuloy na ipatutupad ng ahensya ang mga batas na nagpoprotekta sa karapatan ng Indigenous Peoples.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *