Top-performing Police Station sa Palawan
Photo Courtesy: PalPPO
Ni Samuel Macmac
Ginawaran ng Palawan Provincial Police Office (PalPPO) ng pagkilala ang mga piling top-performing Municipal Police Stations (MPS) mula sa mga matagumpay na operasyon sa pag-aresto sa mga most wanted persons at iba pang wanted na personalidad.
Pinangunahan ni Provincial Director PCOL Joel D. Casupanan ang seremonya na dinaluhan nang virtual ng mga yunit ng Palawan Provincial Police Office (PalPPO).
Sa Mainland Category, nangungunang Police Station sa paghuli ng Most Wanted Persons ang mga istasyon ng Roxas; Narra, Sofronio Espanola, at Taytay na nasa Rank No. 2; habang Rank No. 3 ang Aborlan, El Nido, at San Vicente.
Sa Island Category, umarangkada ang mga Police Stations sa pagdakip ng Other Wante Persons ang mga himpilan ng pulisya ng Dumaran, Linapacan, at Taytay bilang Rank No. 1, habang Rank No.2 naman ang Agutaya at Cuyo.
Ginawaran din ng Medalya ng Kagalingan ang apat na pulis ng Roxas MPS na sina PMAJ Marvin R. Herrera, PSMS Grace C. Ite, PMSG George P. Valdez, at PSSg Zaimond R. Castanas matapos ang matagumpay na operasyon laban sa mga Most Wanted Persons na ikinasa noong Setyembre 11 sa Brgy. Nicanor Zabala at noong Agosto 18 sa Brgy. 2, kapwa sa bayan ng Roxas.
Binigyang-diin ng pamunuan na magsisilbing inspirasyon sa lahat ng kapulisan ang mga parangal upang higit pang palakasin ang propesyonalismo at episyenteng paghahatid ng serbisyo sa publiko.