Brontispa infestation sa niyugan ng Brooke’s Point
Photo Courtesy: PCA-Palawan
Ni Clea Faye G. Cahayag
Pinaiigting ng Philippine Coconut Authority (PCA)- Palawan ang pagmamanman sa mga niyugan sa Brooke’s Point, Palawan, upang makontrol ang posibleng pagdami ng Brontispa ngayong panahon ng El Niño.
Nito lamang unang Linggo ng Oktubre, nagpakawala ng mga Earwigs ang PCA-Palawan sa mga puno ng niyog sa apat (4) na barangay ng Brooke’s Point na kinabibilangan ng Saraza, Samariñana, Salogon, at Malis matapos makitaan ng Brontispa infestation.
Ang Earwigs bilang Bio-control ay natural na kaaway ng Brontispa. Ang pagpapakawala nito sa mga puno ng niyog ay bahagi ng Integrated Pest Management o IPM upang mapababa ang populasyon nito.
Ayon sa PCA-Palawan layunin nitong makontrol ang infestation, maprotektahan ang mga dahon ng niyog at mapanatili ang kalusugan at produktibidad ng mga puno.
Binigyang-diin sa mga magniniyog ang kahalagahan ng regular na pagmamanman sa kanilang mga niyugan , maagang pagtukoy sa mga senyales ng infestation at agarang pagsasagawa ng control measures.