Photo Courtesy: PalPPO
Ni Samuel Macmac
Mabilis na tumugon ang mga awtoridad sa insidente ng pananakit sa El Nido, Palawan na nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlong lalaki at nakumpiska ang tinatayang P206,000 halaga ng hinihinalang shabu at marijuana.
Sa impormasyon mula sa El Nido Municipal Police Station (MPS), rumesponde ang mga pulis sa reklamo ng pambubugbog sa Barangay Buena Suerte bandang 2:50 ng madaling araw nitong Hulyo 2.
Dumating ang pulisya sa lugar ng insidente ngunit agad tumakas ang mga suspek na kalauna’y nasukol sa kanto ng Spain Street, Barangay Masagana, matapos kilalanin ng biktima ang tatlong suspek bilang responsable sa pananakit.
Matapos ang pag-aresto, isinagawa ang masusing paghahalughog sa harap ng mga saksi. Narekober ang ilang sachet ng hinihinalang shabu, isang sachet ng marijuana (kush), apti na rin mga cellphone, ID, pera, at iba pang personal na gamit.
Ayon sa mga awtoridad, umabot sa 28.91 gramo ang kabuuang timbang ng nakumpiskang droga na may katumbas na halagang P206,188.00.Nahaharap ngayon ang mga drug suspek sa kasong paglabag sa Section 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, binigyang-diin ng Palawan Provincial Police Office (PalPPO) na patuloy na palalakasin ang kanilang operasyon upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.