Kamote rider sa Puerto Princesa
Photo Courtesy: Gino Cide
Ni Rodolfo Idusora
Hindi pa man nag-green light ang traffic signal ay umandar na ang grupo ng magkakaibigang motorista, habang kinukunan pa ng video ng isa nilang angkas ang kanilang paglabag sa batas-trapiko.
Kumakalat ngayon sa social media ang naturang video kung saan makikitang patuloy na umaandar ang ilang magkakasamang motorista kahit naka-red light pa.
Kapansin-pansin din na isa sa mga angkas ng grupo ang mismong nagbidyo sa kanilang ginagawa. Ang naturang video ay ibinahagi pa sa Facebook kaya umani ito ng reaksiyon at puna mula sa mga netizen.
Kumilos na ang City Anti-Crime Task Force (ACTF) at City Traffic Management Office (CTMO) upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga sangkot sa naturang paglabag.
Kasalukuyan na ring nakikipag-ugnayan ang mga ito sa Land Transportation Office (LTO) upang matukoy ang mga motorista at mga rehistradong may-ari ng mga ginamit na motorsiklo.
Layunin ng hakbang na maipatawag ang mga sangkot at mabigyan ng kaukulang Show Cause Order upang pagpaliwanagin at mapanagot sa mga posibleng paglabag sa batas-trapiko.
Hindi biro ang pagbalewala sa pulang ilaw dahil maaari itong magdulot ng aksidente at maglagay sa panganib sa buhay ng ibang motorista at mga pedestrian.
Paalala sa lahat ng gumagamit ng kalsada, hindi dahil magkakasama kayo ay maaari nang balewalain ang batas.
Huminto kapag pula ang ilaw at magpatuloy lamang kapag green signal na.