October 17, 2026

Ekonomiya ng Puerto Princesa, lumago nitong 2025

0
FB_IMG_1792224042397

Photo Courtesy: Repetek

Ni Ferds Cuario

Sumipa sa 5.4 porsyentong paglago ang ekonomiya ng Puerto Princesa noong nakaraang taon, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Umabot sa ₱68 bilyon ang Gross Domestic Product (GDP) ng lungsod kumpara sa ₱64.51 bilyon noong taong 2024.

Ito na ang ikaapat na sunod na taon na mas mataas ang economic growth rate ng Puerto Princesa kaysa sa pambansang antas ng paglago ng ekonomiya.

Ang GDP ay kabuuang halaga ng mga produkto at serbisyong nalikha sa isang lugar sa loob ng isang taon. Ginagamit ito upang masukat ang laki at paglago ng ekonomiya.

Batay sa datos, lahat ng tatlong pangunahing sektor ng ekonomiya ng lungsod ay nagtala ng positibong paglago.

Pinakamataas ang services sector na lumago ng 6.4%– gaya ng kalakalan, transportasyon, mga hotel at restaurant, pagbabangko, real estate, edukasyon, serbisyong pangkalusugan at mga serbisyo ng pamahalaan.

Sumunod ang agriculture, forestry and fishing sector na lumago ng 5.5%, habang nagtala naman ng 1.8% na paglago ang industry sector, na kinabibilangan ng konstruksyon, manufacturing, pagmimina, kuryente, suplay ng tubig at pamamahala ng basura.

Ayon sa ulat, ang services sector ang may pinakamalaking ambag sa kabuuang paglago ng ekonomiya ng lungsod, na nagbigay ng 4.9 percentage points sa growth rate.

Samantala, tumaas din ng 3% ang per capita GDP ng Puerto Princesa na umabot sa ₱196,934. Ito ang karaniwang halaga ng economic output sa bawat residente batay sa kabuuang produksyon ng ekonomiya at populasyon, at mas mataas ito sa average ng MIMAROPA Region.

Inihayag ng pamahalaang lungsod na patuloy nitong isinusulong ang pagpasok ng mga mamumuhunan, pakikipagtulungan sa pribadong sektor, at pagsuporta sa mga lokal na negosyo upang makatulong sa paglikha ng trabaho at kabuhayan.

Kabilang sa mga kinikilalang katuwang sa paglago ng ekonomiya ang mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, negosyante at mga pribadong sektor na patuloy na nagbibigay ng ambag sa pag-unlad ng Puerto Princesa.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *