Photo Courtesy: PalPPO
Ni Samuel Macmac
Babala: Sensitibo ang paksa. Maging disente sa pagkomento.
Ilang menor de edad ang sugatan habang isa ang kritikal matapos magsalpukan ang apat na motorsiklo na nagkarera sa Bgy. Marangas, bayan ng Bataraza, Palawan, bandang alas-11:20 ng gabi nitong Hulyo 15.
Nauwi sa kritikal ang kondisyon ng isang menor de edad nang magsalpukan ang apat na motorsiklo mula sa masayang karera ng motorsiklo.
Ayon sa Palawan Provincial Police Office (PalPPO), nagkakarera umano ang mga binatilyo sakay ng Suzuki Smash 125 at tatlong motorsiklong Rusi habang patungong Bgy. Rio Tuba, nabanggit na bayan.
Isa sa mga drayber ng pulang Rusi ay gumawa pa ng “Superman Stunt” habang mabilis ang takbo ng motorsiklo. Dahil dito, nawalan ng driver ng Suzuki Smash at nagsimula ang banggaan na nagresulta sa salpukan ng iba pang motorsiklo.
Nakita ng mga rumespondeng pulis ang mga skid marks at nagkalat na debris sa kalsada. Dalawang motorsiklo ang narekober sa lugar, habang tumakas naman ang mga drayber ng dalawa pang motorsiklo.
Sa ulat ng pulisya, naiwan ang 14-anyos na backrider na nakahandusay sa daan. Agad siya isinugod sa Bataraza District Hospital, kung saan idineklarang kritikal ang kondisyon ngunit na-revive ng mga doktor. Inihahanda na siyang ilipat sa lungsod ng Puerto Princesa para sa mas masusing gamutan.
Samantala, nabigyan naman ng paunang lunas ang mga kasamahang menor de edad na nagtamo ng sugat. Dinala ang motorsiklo sa Bataraza Municipal Police Station (MPS) para sa tamang disposisyon.
Patuloy naman imbestigasyon ang pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng drayber ng pulang Rusi na tumakas matapos ang insidente.