Mas maraming Barangay tanod, isinusulong sa malalaking Barangays
Photo courtesy: William
Ni Rodolfo Idusora
Isinusulong na madagdagan ang bilang ng mga barangay tanod sa mga barangay na may malaking populasyon at malawak na nasasakupan.
Nakapaloob sa resolusyong inihain ni Puerto Princesa City Councilor Modesto V. Rodriguez II na humihiling na amyendahan ang Section 393(d) ng Republic Act No. 7160 o Local Government Code of 1991.
Hinihiling ni Rodriguez sa pamamagitan ni Congressman Gil A. Acosta, kinatawan ng Ikatlong Distrito ng Palawan, na magsumite at mag-sponsor sa House of Representatives ng panukalang batas para itaas ang kasalukuyang limitasyon sa bilang ng mga barangay tanod.
Sa ilalim ng umiiral na probisyon, nasa 20 barangay tanod bawat barangay ang saklaw ng statutory ceiling na maaaring magkaroon ng kaukulang benepisyo sa ilalim ng batas.
Ayon kay Rodriguez, maaaring hindi na sapat ang kasalukuyang bilang para sa ilang barangay na patuloy na lumalaki ang populasyon at may malawak na lugar na kailangang mabantayan.
Mahalaga umano ang mga barangay tanod bilang katuwang ng Punong Barangay, Barangay Peace and Order Committee, mga law enforcement agency, at disaster response teams, aniya pa.
Kabilang sa kanilang mga ginagawa ang pagtulong sa pagpapanatili ng peace and order, crowd control, traffic management at pagtugon sa mga insidente at emergency sa komunidad.
Layunin ng panukala na magkaroon ng posibilidad na madagdagan ang bilang ng mga tanod sa mga barangay na may malinaw na pangangailangan.
Gayunman, hindi nangangahulugan na awtomatikong madadagdagan ang lahat ng barangay. Dapat pa ring isaalang-alang ang aktuwal na pangangailangan, laki ng populasyon at lawak ng nasasakupan ng bawat barangay. Kailangan din umanong sundin ang mga umiiral na kwalipikasyon, proseso ng pagtatalaga, pagsasanay, pangangasiwa at pananagutan ng mga barangay tanod.
Kapag naisabatas ang amyenda, inaasahang mas magkakaroon ng pagkakataon ang malalaki at malalawak na barangay na magkaroon ng sapat na bilang ng mga tanod para sa kanilang peace and order at emergency response needs.