Ni Clea G. Cahayag
Nagpahayag ng taus-pusong pasasalamat si City Mayor Lucilo Bayron sa muling pagbisita at patuloy na suporta ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa lungsod ng Puerto Princesa.
Ayon kay Bayron, natanggap na ng lokal na pamahalaan ang 50 milyong piso na pondo para sa limang (5) proyektong pang-imprastraktura sa ilalim ng Local Government Support Fund gayundin ang 48-M na gagamitin sa loob ng anim (6) na buwang pamamahagi ng bigas para sa 16,000 pamilyang benepisyaryo sa lungsod.
Inulat din ng alkalde kay Marcos Jr. na naipamahagi na ang unang bahagi ng mga bigas habang isinagawa naman ngayong araw ng Huwebes ang inisyal na pamamahagi ng second tranche ng programa.
Bukod dito, nagpasalamat din si Bayron sa ₱6.6 milyong pondo para sa Presidential Scholarship, kung saan makatatanggap ng ₱20,000 bawat isa ang mahigit 300 mag-aaral na nasa ikaapat na taon sa kolehiyo.
Dagdag pa rito, ang mga ipinamahaging tent, upuan, desktop computer, printer at iba pang kagamitan para sa 66 barangay sa siyudad na makakatulong para maiangat ang kalidad ng serbisyo sa mga mamamayan.
“Taos- puso po kaming nagpapasalamat sa inyong patuloy na malasakit at suporta,” pahayag ni Bayron.