Pulisya: Undas 2026 sa Puerto Princesa, mapayapa at maayos
Ni Albert Villamor Jr.
Mapayapa at maayos na idinaos ang Undas 2026 sa lungsod ng Puerto Princesa, dahil walang anumang “untoward incident” o masamang insidente ang nangyari.
Batay ito sa assessment ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO).
Ang mapayapa at maayos na Undas 2026 ay resulta ng epektibong preparasyon sa seguridad ng PPCPO, katuwang ang City Government of Puerto Princesa, barangay officials, iba pang government agencies, non-government organizations (NGOs), volunteers, private stakeholders, at iba pang tumulong.
Ayon kay Police Colonel (PCOL) Vincent Templo, City Director of PPCPO, bunga ang maayos at mapayapang undas ng pagtutulungan.
“Ang naging mapayapa at maayos na paggunita ng UNDAS 2026, sa kabila ng mahigit 119,000 na bumisita sa ating mga sementeryo, ay bunga ng pagkakaisa at pagtutulungan ng kapulisan, ating local government, mga partner agencies, stakeholders, at higit sa lahat, ng ating mga mamamayan,” ani PCOL Templo.
“Taos-puso akong nagpapasalamat sa lahat ng nagpakita ng suporta, disiplina, at pakikiisa. Patunay ito na ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan ay isang responsibilidad na dapat nating gampanan ng sama-sama,” dagdag pa niya.
Pinuri rin ng PCOL Templo ang husay at dedikasyon ng pulisya para sa Undas 2026.