Photo Courtesy: PalPPO
Ni Samuel Macmac
Naaresto ang limang residente ng barangay Madoldolon, bayan ng Araceli, Palawan, nang aktuwal na mahuli sa paggamit ng compressor bilang breathing apparatus habang nangingisda sa karagatang sakop ng barangay Tinintinan, nabanggit na bayan.
Sa isinagawang seaborne patrol ng Municipal Police Station (MPS) katuwang ang mga opisyales ng barangay nitong madaling araw ng Hulyo 10, nasakote ang mga mangingisda na gumagamit ng compressor sa kanilang pangingisda.
Ayon sa ulat, nahuli ang mga suspek na nag-eedad 31, 30, 28, 26, at 24 na pawang may mga asawa at residente ng Barangay Madoldolon.
Sakay ang mga suspek ng isang bangkang de-motor na may kasamang compressor engine, air tank, at iba pang gamit sa diving. Nakumpiska rin ang dalawang speargun, dalawang flashlight, tatlong pares ng flippers, tatlong rolyo ng air hose, isang diving mask, at tinatayang 50 kilo ng sari-saring isda.
Iniulat ng kapulisan na umabot sa mahigit P39,800 ang halaga ng nakuhang kagamitan at huling isda. Isasailalim naman ang mga naarestong iindibidwal at nakumpiskang gamit sa tamang disposisyon sa pamamagitan ng Municipal Treasurer’s Office alinsunod sa Municipal Ordinance No. 139, Series of 2009, na nagbabawal sa paggamit ng compressor sa pangingisda.