Photo:
Repetek News
Ni Rodolfo Idusora
Naaresto ng mga kapulisan ang tinaguriang Municipal Top 1 Most Wanted Person sa isinagawang operasyon nitong umaga ng Miyerkules, Hulyo 8, sa Barangay Tiniguiban, Lungsod ng Puerto Princesa.
Batay sa ulat ng City Police Office, ang suspek ay 22-anyos, binata, isang barbero, at residente ng Barangay Sta. Monica, sa nabanggit na lungsod.
Pinangunahan ng Police Station 1 ng Puerto Princesa City Police Office ang operasyon katuwang ang City Intelligence Team (CIT) Puerto Princesa, Provincial Intelligence Team (PIT) Palawan, Regional Intelligence Unit 4B (RIU 4B), Brooke’s Point Municipal Police Station, at Puerto Princesa International Airport Police Station–AVSEU 4B.
Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inilabas noong Hunyo 25, 2026, ni Acting Presiding Judge Panfilo Intud Sala Jr. ng Branch 165 ng Regional Trial Court, sa bayan ng Brooke’s Point, Palawan.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 3 ng Republic Act No. 10883 o ang New Anti-Carnapping Act of 2016.
Ayon sa korte, maaaring makapagpiyansa ang suspek sa halagang ₱300,000 para sa kaniyang pansamantalang kalayaan.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Police Station 1 (Mendoza) ang suspek habang hinihintay ang kanyang pagharap sa korte na naglabas ng warrant.