10 nitso sa Langogan, winasak ng malalakas na alon
Photo Courtesy: Theresa Anggana
Ni Rodolfo Idusora
Pinangangambahan ng mga residente sa Barangay Langogan na tuluyang masira at mawala ang kanilang barangay cemetery dahil sa patuloy na paghampas ng malalakas na alon sa dalampasigan.
Ayon kay Theresa Anggana, mahigit 10 nitso na umano ang nawasak matapos unti-unting gumuho at maanod ang bahagi ng sementeryo na malapit sa dagat.
Sa kanyang Facebook post, nanawagan si Anggana sa mga pamilya na may mga kaanak na nakalibing sa nasabing sementeryo na agad na puntahan at alamin ang kalagayan ng mga nitso roon.
Hinimok din ang mga pamilya na magsagawa ng kinakailangang hakbang upang maisalba ang mga labi ng kanilang mga yumaong kaanak bago tuluyang maapektuhan ng pagguho ng lupa at pagtaas ng tubig-dagat.
Ayon sa ilang residente, patuloy ang paglala ng sitwasyon dahil sa malalakas na alon na nararanasan sa lugar. Iniuugnay nila ito sa patuloy na pag-iral ng habagat na nagdudulot ng mas malalakas na hampas ng alon sa baybayin.
Nanawagan din ang mga residente sa Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa na agad na matugunan ang problema bago pa lumawak ang pinsala sa sementeryo.
Isa sa pangunahing solusyong kanilang hinihiling ay ang pagtatayo ng sea wall upang magsilbing proteksiyon sa sementeryo at iba pang bahagi ng baybayin.
Para sa mga residente, hindi lamang nitso at istruktura ang nanganganib mawala kundi maging ang lugar kung saan nakahimlay ang kanilang mga mahal sa buhay.
Umaasa sila na mabibigyang-pansin agad ng mga kinauukulang tanggapan ang kanilang panawagan at makapagsagawa ng pagsusuri at nararapat na hakbang upang maprotektahan ang barangay cemetery laban sa patuloy na pagguho ng baybayin.