Photo Courtesy: PalPPO
Ni Samuel Macmac
Nasakote sa Cuyo, Palawan, ang dalawampu’t anim na mangingisda matapos mahuli sa aktuwal na paggamit ng compressor at iba pang ipinagbabawal na gamit sa pangingisda nang walang kaukulang permit.
Sa ikinasang seaborne patrol ng Cuyo Municipal Police Station (MPS) nalambat ang isang motorbanca na may sakay na 26 crew sa hilagang bahagi ng Brgy. Manamoc ng nasabing munisipyo.
Ayon sa pulisya, nahuli ang mga nasabing mangingisda na aktuwal na gumagamit ng compressor bilang breathing apparatus at iba pang aktibong gamit sa pangingisda na ipinagbabawal sa ilalim ng mga umiiral na ordinansa.
Sa operasyon, nakumpiska ng mga awtoridad ang isang compressor na may tangke, limang rolyo ng plastic hose na may habang 450 metro, isang lambat, limang pares ng foot paddles, limang flashlight, at tinatayang 300 kilo ng sari-saring isda.
Batay sa ulat ng Cuyo MPS, umabot sa tinatayang P45,000 ang halaga ng mga isdang nasabat sa operasyon habang may kabuuang P70,000 naman ang kabuuang halaga ng nakumpiskang kagamitan.
Samantala, dinala ang mga suspek sa himpilan ng pulisya sa Cuyo kasama ang bangka at mga ebidensya para sa kaukulang disposisyon. Nahaharap naman sila sa reklamo laban sa paglabag sa Municipal Ordinance na may kinalaman sa pangangalaga ng yamang-dagat.