Photo Courtesy: Camila G. Meneses
Ni Samuel Macmac
Sa Sibuyan Island, sa probinsya ng Romblon, na tinaguriang “Galapagos of Asia” natuklasan ang mga mananaliksik ang bagong uri ng fringed forest gecko.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) MIMAROPA, tanging sa kagubatan ng Sibuyan Island lamang matatagpuan ang bagong gecko. Dahil dito, muling umangat sa buong mundo ang naturang isla matapos opisyal na mailathala sa PeerJ ang pagtuklas ng bagong uri ng specie.
Tinawag itong Luperosaurus alvarezi, isang gecko na ekslusibong matatagpuan sa kagubatan ng isla. Kinilala ang bagong specie ng mga Pilipinong researcher na sina Camila G. Meneses at Rafe M. Brown matapos ang masusing morphological at molecular analyses na nagpatunay na ito ay hiwalay na evolotuionary lineage.
Pinangalanan ang species bilang parangal kay Dr. James D.V. Alvarez, isang kilalang Filipino taxonomist at ecologist na may mahalagang kontribusyon sa pananaliksik at konserbasyon ng biodiversity ng Pilipinas.
Ang Sibuyan Island, tahanan ng Mt. Guiting-Guiting Natural Park, ay matagal nang kilala sa mataas na antas ng endemism dahil sa mahabang panahon ng geological Isolation. Sa nakaraang taon, natuklasan din dito ang Platymantis guiting, isa sa pinakamaliit na palaka sa Pilipinas.
Binigyang-diin ng mananaliksik na ang sunud-sunod na pagtuklas sa mga bagong uri ng species ay nagpapatunay na nananatiling mayaman ang isla sa mga hayop na hindi pa ganap na nadodokumento ng agham.
Gayunman, nananatiling banta ang illegal logging, habitat degradation, at iba pang gawaing pantao sa kagubatan ng Romblon Island Group. Kaugnay nito, kinakailangan ang mas matibay na proteksyon sa kagubatan upang matiyak ang pangmatagalang survival ng mga endemic species.