November 23, 2026
FB_IMG_1795231213331

Photo Courtesy: Repetek

Ni Clea Faye G. Cahayag

Sinimulan nang taniman ang lupain sa Barangay Apurawan, Aborlan, sa lalawigan ng Palawan, na sakop ng Enhanced National Greening Program o eNGP, programa ng Department of Environment and Natural Resources o DENR.

Ayon kay CDS Chief Azucena E. Gamutia ng CENRO Puerto Princesa, ang 50-ektaryang lupain ay inisyal pa lamang na lupa na isasailalim sa pagtatanim. Ito ay posible pang madagdagan sa susunod na taon kung magiging matagumpay ang implementasyon ng proyekto sa Apurawan.

Aniya, nito lamang huling Linggo ng Oktubre may ibinabang seedling production ang DENR Central Office bilang paghahanda sa pagpapalawak ng programa sa mga susunod na taon.

“Dito po sa Barangay Apurawan nasa 50 hectares po tayo ngayon. Ibig sabihin, panimula pa lang po ito,” ani Gamutia.

Aniya pa, “Ibig sabihin po, for the next year mag-a-identify po ulit tayo ng pagtataniman dito sa Barangay Apurawan. Ibig sabihin, magiging tuluy-tuloy na po ito kung magiging maganda po ang ating magiging output.”

Kaugnay nito, muling magtutungo sa Bgym Apurawan ang survey team ng DENR Regional Office upang maghanap at magsuri ng karagdagang lugar na pagtatamnan ng mga fruit trees para sa susunod na taon.

“…Bababa ang Regional Office upang mag-identify po ulit ng karagdagang pagtataniman po [r]ito sa Barangay Apurawan,” ayon pa sa opisyal.

Ang eNGP ay isang reforestation program na layuning pangalagaan ang kagubatan at mabawasan ang epekto ng pabagu-bagong panahon o climate change kasabay ng pagbibigay ng kabuhayan sa mga residente.

Sinabi ni Gamutia, regular na mag-iikot ang mga kawani ng CENRO upang umalalay sa pagtatanim ng mga benepisyaryo at matiyak ang pagkabuhay ng mga pananim.

Handa rin ang kanilang opisina sa anumang teknikal na tulong na kakailangan ng komunidad.

Hinimok rin ni Gamutia ang mga mamamayan ng Apurawan na pagbutihin ang pangangalaga sa mga pananim.

“Pagbutihin po natin ito dahil dito po sa 50 hectares ‘pag naging successful po rito po nakasalalay ang mga susunod pa po nating gagawin. Ibig sabihin, po ‘pag naging okay ito ngayon, next year po [mayroon] po ulit tayong programa ng pagtatanim dito sa Barangay Apurawan.”

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *