Cauliflower sa Langogan
Photo Courtesy: Puerto Princesa City Agriculture Office
Ni Ferds Cuario
Pinatunayan ng mag-asawang magsasaka sa Barangay Langogan na posible ang pagtatanim ng highland vegetables sa kanilang lugar nang matagumpay na makapag-ani ng cauliflower sa ilalim ng programa ng Puerto Princesa City Agriculture Office.
Ang mag-asawang sina Cresencio M. Pabia, 64, at Marilyn A. Pabia, 49, ng Purok Bagong Lipunan, ay kabilang sa mga unang benepisyaryo ng Highland Vegetable Production Project ng pamahalaang lungsod.
Naging bahagi ng programa si Cresencio nang dumalo sa oryentasyon ng City Agriculture Office tungkol sa produksyon ng highland vegetables. Pinili niyang subukan ang pagtatanim ng cauliflower sa kanilang sakahan.
Matapos ang halos tatlong buwang pag-aalaga, matagumpay nang nakapagsimula ng pag-aani ang mag-asawang Pabia.
Ayon sa City Agriculture Office, pangunahing ikinabubuhay ng mag-asawa ang pagtatanim ng kasoy, ngunit nagsimula rin silang magtanim ng gulay noong 1988 upang madagdagan ang kanilang kita at matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Sa kanilang pagsisikap sa pagsasaka, napagtapos nila sa kolehiyo ang dalawa sa kanilang apat na anak na naging guro at agriculturist. Dalawa pa nilang anak ang kasalukuyang nag-aaral sa high school.
Layunin ng Highland Vegetable Production Project na palakasin ang lokal na produksyon ng highland vegetables at mabawasan ang pagdepende ng Puerto Princesa sa mga gulay na nagmumula sa ibang lugar.