Photo courtesy | Calapan Police Office

CALAPAN CITY — Binawian ng buhay ang isang Pinoy South East Asian (SEA) Games gold medalist matapos umanong pagsasaksakin sa dibdib habang natutulog sa Lungsod ng Calapan, sa lalawigan ng Oriental Mindoro, nitong Martes ng madaling-araw, Enero 7, ayon sa ulat ng mga awtoridad.

Naisugod pa ang biktima sa pagamutan ngunit binawian din ng buhay. Kinilala ang biktima na si Mervin Maligo Guarte, 32-anyos, airman ng Philippine Air Force (PAF) na nakatalaga sa Fernando Airbase sa Lungsod ng Lipa.

Naganap ang krimen sa bahay ng kaniyang kaibigan na si Barangay Kagawad Dante Abel sa Sitio Pinagkaisahan sa Barangay Camilmil, Calapan City, bandang 4:30 ng umaga.

Ayon sa ulat ng pulisya, natutulog umano si Guarte sa sala ng bahay ng kaniyang kaibigan nang saksakin sa dibdib ng hindi pa kikilalang salarin.

Nakahingi pa umano ng tulong si Guarte sa mga kapitbahay na kung saan ay isinugod siya sa Sta. Maria Village Hospital bago inilipat sa Mindoro Medical Center kung saan siya idineklarang wala nang buhay.

Si Mervin Guarte ay gold medalist noong 2023 SEA Games ng men’s team relay, 2019 SEA Games gold medalist ng men’s 5km, 2011 SEA Games silver medalist sa men’s 800m and 1500m, at 2024 Spartan Asia Pacific Champion sa men’s beast 21 km.

DUMAYO UMANO PARA MAKIPAG-INUMAN NGUNIT SINAKSAK

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na dumayo lamang si Guarte sa lugar upang nakipag-inuman mula Lunes ng gabi hanggang alas-tres ng madaling-araw kinabukasan, Martes, Enero 7.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Roden S. Fulache, Chief of Police ng Calapan City Police, inaalam na nila kung sinu-sino ang mga nakainuman ng biktima para matukoy ang mga suspek at motibo sa pagpatay kay Guarte.

Narekober naman ng mga imbestigador sa crime scene ang kutsilyo na ginamit ng hindi pa kilalang suspek sa pagpatay sa biktima.