November 23, 2026
FB_IMG_1795230117357

Photo Courtesy: ACTF

Ni Rodolfo Idusora

Hindi na nakalayo ang lalaki mula nang siya’y manghablot ng bag sa 22-anyos na biktima sa Rafols Road, tapat ng Justice Hall, madaling-araw nitong Nobyembre 20, taong kasalukuyan.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Anti-Crime Task Force nang makatanggap ng tawag mula sa 911 kaugnay ng bag snatching.

Nadatnan ng mga awtoridad ang biktimang si Jefferson, residente ng Purok Sandiwa, Barangay Tiniguiban.

Ayon sa salaysay ng biktima, pauwi na siya nang biglang hablutin ng hindi kilalang lalaki ang kanyang bag na naglalaman ng mga identification card at cellphone.

Nang makuha ang bag, mabilis na tumakas ang suspek patungo sa kasagingan sa lugar.

Agad na tinugis ang suspek. Nang makarinig ng kaluskos sa masukal na bahagi ng lugar, nagsagawa sila ng paghahanap hanggang sa matagpuan ang lalaki na nakadapa habang hawak pa ang bag ng biktima.

Kinilala ang suspek na si Dennis, 44-anyos, at residente rin ng Barangay Tiniguiban.

Agad siyang inaresto at dinala kasama ang biktima sa Police Station 2 (PS2) para sa kaukulang pagproseso.

Inamin ng suspek ang kanyang ginawa at humingi ng tawad sa biktima.

Sinabi ng biktima na hindi na siya magsasampa ng reklamo dahil kumpleto at nabawi ang lahat ng kanyang gamit.

Nananatili sa kustodiya ng PS2 ang suspek habang nagpatutuloy ang imbestigasyon.

Nagpasalamat naman ang biktima sa mabilis na pagresponde ng mga tauhan ng mobile patrol.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *