Sugat at gasgas sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tinamo ng isang motorista makaraang mapunterya nito ang kasalubong na tricycle sa National Highway na sakop ng Barangay San Manuel, sa Lungsod ng Puerto Princesa.
Sa ulat, nagmamaneho umano ng kanyang motorsiklo ang 39-anyos na drayber, galing norte patungo sa kabayanan, habang kasalubong ang kaaksidenteng tricycle.
Pagsapit sa may palikong bahagi ng kalsada partikular na sa Pablico Road, bigla aniyang pumihit ang nagmamaneho ng taysikel kahit pa nasa alanganing sitwasyon na umano ito.
Ayon sa biktima, ito ang naging dahilan upang halos pumasok ang kanyang motorsiklo sa loob ng traysikel.
Sa bilis ng pangyayari, hindi na umano naiwasan ng motorcycle rider kahit pa pinilit niyang huwag mangyari ang aksidente.
Agad namang nilapatan ng first aid ang biktima ng mga rumespondeng kawani ng Puerto Princesa City Anti-Crime Task Force, Health Emergency Response Operation (HERO), at mga kapulisan ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO).
Matapos na makipag-ayos ang motorcycle rider sa driver ng tricycle, isinugod ang motorista sa pagamutan.
Samantala, masuwerte namang walang tinamong pinsala ang drayber ng tricycle.
via Pong Idusora