Idineklara ng attending physician na dead on arrival na ang isang 36-taong gulang na lalaki na drayber ng motorsiklo matapos bumangga sa isang pampasaherong bus sa kahabaan ng National Highway sa barangay Abongan, nabanggit na bayan.
Sangkot sa vehicular accident ang isang pulang Rusi 150 na walang plaka, pag-aari at minamaneho ni alyas “June”, 36-taong gulang, walang lisensya, at residente ng barangay Bato, Taytay, habang, ang Roro Bus ay minamaneho naman ni alyas “Rene”, 47-taong gulang, may lisensya, at residente ng barangay Tinitian, Roxas, Palawan, batay sa impormasyong ibinahagi ng Palawan Provincial Police Office (PPO).
Sa imbestigasyon ng awtoridad, patungong barangay Poblacion ang naturang motorsiklo habang galing ang Roro Bus sa El Nido patungong Puerto Princesa. Pagdating sa lugar ng insidente, nawalan ng kontrol si “June” sa manibela ng motorsiklo at lumampas sa linya, dahilan upang bumangga sa paparating na bus.
Dinala si “June” ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)-Taytay sa Northern Palawan Provincial Hospital, ngunit idineklara siyang dead on arrival ng doktor.
Samantala, iniulat ng pulisya na walang nasaktan sa panig ng bus, kabilang ang driver at mga pasahero.
Gayunpaman, parehong nagtamo ng pinsala ang dalawang sasakyan at kasalukuyang nasa kustodiya ng Taytay Municipal Police Station (MPS).