Photo courtesy: Repetek Team
Ni Ferds Cuario
HINDI na kailangan pang bumiyahe ng mga residente ng Barangay Macarascas at mga karatig na lugar para magpa-X-ray at sumailalim sa laboratory examinations matapos pormal na buksan ng Pamahalaang Panlungsod ang libreng Digital X-ray at Clinical Laboratory sa Macarascas Enhanced Satellite Clinic nitong Hulyo 7.
Pinangunahan ni City Mayor Lucilo R. Bayron ang commissioning ng mga bagong pasilidad na layong ilapit ang mahahalagang serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan, lalo na sa mga nasa malalayong barangay.
Ayon sa alkalde, bahagi ito ng adbokasiyang “bringing government closer to the people,” kung saan prayoridad ang preventive healthcare upang maagapan ang paglala ng mga karamdaman.
Sinabi naman ni City Health Officer Dr. Ricardo Panganiban na mas mapapabilis na ang paglabas ng resulta ng X-ray dahil digital na ang sistema, kaya agad na mabibigyan ng tamang diagnosis at lunas ang mga pasyente.
Bukod sa Digital X-ray, nag-aalok din ang pasilidad ng libreng Clinical Laboratory services kabilang ang Complete Blood Count (CBC), Microscopic Urinalysis, at Blood Chemistry, na makatutulong sa mga residente na makapagpagamot nang hindi gumagastos nang malaki.
Inihayag din ng City Government na isusunod ang paglalagay ng Digital X-ray at Clinical Laboratory sa San Rafael Satellite Clinic at Luzviminda Satellite Clinic bilang bahagi ng pagpapalawak ng serbisyong medikal sa buong lungsod.
Kasabay ng commissioning ay pinasinayaan rin ang Macarascas Mini City Hall at Rural Service Center, na magsisilbing sentro ng iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan para sa mga residente ng Macarascas at mga kalapit na komunidad.