Photo courtesy: City Mayor Lucilo R. Bayron
Ni Clea Faye Cahayag
NAGPAABOT ng taus-pusong pasasalamat si Punong Lungsod Lucilo Bayron sa lahat ng nag-abala upang batiin siya sa kanyang ika-80 kaarawan nitong Martes, Hulyo 7.
Ayon kay Bayron, labis niyang ikinatuwa ang mga video greeting at mga tarpaulin na inihanda ng iba’t ibang opisina ng city government.
“Unang-una, nagpapasalamat ako sa lahat ng nagsakripisyo na nagpagawa ng video, nagpraktis pa siguro kayo niyan para batiin ako. Maraming-maraming salamat sa inyong mga greetings.
Pababa ako, may nakita [r]in ako, hindi ko pa tiniti[ng]nan talaga may mga tarp doon na nag-greet sa akin ng birthday. Maraming salamat sa inyong lahat hindi na natin maisa-isa ‘yung mga ‘yun,” ayon sa Alkalde.
Inilarawan ni Bayron na ang kanyang nalalapit na kaarawan bilang isang mahalagang milestone sa kanyang buhay.
“Ito ay milestone sa buhay ko kasi…80 years old na ako,” aniya.
Ibinahagi rin ng alkalde na dumating ang ilan sa kanyang mga kapatid kasama ang kani-kanilang pamilya upang makiisa sa pagdiriwang ng kanyang ika-80 kaarawan.
“Pumunta sila rito dala ang pamilya nila para i-celebrate itong milestone sa pamilya namin na mayroong isang kapatid na umabot ng ganito atsaka maraming na-accomplish,” dagdag pa nito.
Sa huli, nagpasalamat si Bayron sa pagkakataong makapaglingkod sa Puerto Princesa at kinilala ang serbisyo ng iba’t ibang tanggapan para maabot ang tinatamasang tagumpay ng lokal na pamahlaan.
“Maraming maraming salamat sa inyong lahat. Isang karangalan para sa akin ang makapagserbisyo sa lungsod ng Puerto Princesa at naayos natin ang mga serbisyong ‘yan sa tulong ng lahat ng mga kawani, mga opisyal, lahat ng mga departments na marating natin ang lahat ng mga accomplishments natin”.