Photo courtesy: City Mayor Lucilo Bayron
Ni Ferds Cuario
Pinasinayaan ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron nitong Martes, Hulyo 7, ang kauna-unahang solar-powered school building ng Pamahalaang Panlungsod sa Valentin Macasaet Memorial Elementary School sa Barangay Irawan.
Nagkakahalaga ng ₱38.48 milyon, ang tatlong palapag na gusali na may siyam na silid-aralan at itinayo bilang isang typhoon-resilient na pasilidad na maaari ring magsilbing pansamantalang evacuation center sa panahon ng kalamidad.
Ayon kay Bayron, layunin ng proyekto na matiyak ang ligtas at maayos na lugar ng pag-aaral ng mga bata habang nagsisilbi ring kanlungan ng mga residenteng maaapektuhan ng sakuna.
Binigyang-diin din ng alkalde na kabilang ang edukasyon sa pangunahing prayoridad ng kanyang administrasyon, kasabay ng mabuting pamamahala at dekalidad na serbisyong pangkalusugan. Hinimok niya ang mga mag-aaral na pahalagahan ang pagkakataong makapag-aral dahil ito ang susi sa mas magandang kinabukasan.
Sinabi ni City Architect Honesto Teves na may kabuuang 993 square meters ang floor area ng gusali at itinayo alinsunod sa pamantayan ng Department of Education. Nagtataglay ito ng modernong disenyo, mas mahusay na bentilasyon, komportableng learning spaces, at solar power system bilang alternatibong pinagkukunan ng kuryente.
Samantala, sinabi ni Barangay Captain Rosana Araneta na malaking tulong ang bagong gusali sa pagdami ng mga mag-aaral sa Barangay Irawan dahil sa patuloy na pag-unlad ng lugar.