Photo Courtesy: MENRO Roxas
Ni Samuel Macmac
Libu-libong mangrove seedlings ang matagumpay na naiprodyus sa Barangay Nicanor Zabala, Roxas, Palawan, bilang bahagi ng Municipal Reforestation Program upang palakasin ang rehabilitasyon ng mga nasirang bakawan at protektahan ang baybayin laban sa epekto ng climate change.
Ayon sa Municipal Environment and Natural Resources (MENRO)-Roxas, Palawan, umabot sa mahigit 4,000 punla ng bakawan ang matagumpay na naitanim sa nasabing barangay bilang bahagi ng Municipal Reforestation Program ng lokal na pamahalaan ng Roxas.
Layunin ng programa na mapalakas ang coastal protection laban sa storm surges at soil erosion, mapanatili ang biodiversity, at makatulong sa climate adaptation ng mga residente.
Binigyang-diin ni Mayor Pedy B. Sabando na patuloy na palalawakin ang produksyon ng mangrove seedlings at rehabilitasyon ng mas maraming degraded areas sa Roxas sa tulong ng karagdagang pondo at suporta mula sa mga katuwang na ahensya.
Batay naman sa inilabas na datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa pamamagitan ng kanilang Mangrove Expert Accounts, tinatayang nasa 311, 216 ektarya pa ang lawak ng mangrove forests sa Pilipinas noong 2025. Katumbas ito ng humigit-kumulang 1.1 porsyento ng kabuuang lupain sa bansa.