Photo Courtesy: PRO MIMAROPA
Ni Samuel Macmac
Bumagsak sa kamay ng pulisya ang tatlong Top Wanted Persons, kabilang ang Rank No. 3 Regional Most Wanted na may P375,000 reward sa isinagawang magkakahiwalay na police operations sa rehiyon.
Batay sa impormasyong ibinahagi ng Police Regional Office (PRO) MIMAROPA, matagumpay na naaresto ang top most wanted persons sa magkakahiwalay na manhunt operations sa Oriental Mindoro at lungsod Puerto Princesa nitong Hulyo 2.
Sa Brgy. Irawan, Lungsod ng Puerto Princesa, nasakote ang Rank No. 2 City Most Wanted na may kasong Acts of Lasciviousness at dalawang kaso ng Rape by Sexual Assault, na may kaukulang piyansa ayon sa korte.
Sa Roxas, Orinetal Mindoro, nahuli ang Rank No. 3 Regional Most Wanted Person na may kasong Murder at Frustrated Murder. Sa ulat ng mga awtoridad, tinangkang bunutin ng suspek ang baril habang inihahain ang warrant ngunit agad itong napigilan at nakuha mula sa kanya ang .45 pistol, dalawang magasin, at 16 bala. Dahil dito, nahaharap din siya sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Act.
Samantala, naaresto sa Brgy. Poblacion, Baco, Oriental Mindoro ang Rank No. 10 Regional Most Wanted na may kasong Lasciviousness Conduct at Statutory Acts of Lasciviousness sa ilalim ng Republic Act 7610.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng pulisya ang tatlong suspek at nakatakdang iharap sa kani-kanilang korte. Pinuri naman ni Regional Director PBGEN Christopher R. Dela Cruz ang mga yunit na nagsagawa ng operasyon at binigyang-diin ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na intelligence operations at koordinasyon ng iba’t ibang ahensya.
Editor’s Note: “Blurred” ang larawan ng biktima o suspek alinsunod sa probisyon ng Data Privacy Act.