Photo Courtesy: MENRO-ROXAS
Ni Samuel Macmac
Matagumpay na naibalik sa kagubatan ng Roxas, Palawan, ang isang babaeng juvenile Palawan Pangolin nang ma-rescue mula sa lambat ng pangingisda nitong Hulyo 6.
Ayon sa Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO)-Roxas, na-rescue ni Ginong Carlos Bejo ang isang babaeng Balintong (Manis culionensis). Ang naturang hayop ay may bigat na 1.7 kilo at habang 56 sentimetro, kung saan nakitang nakasabit sa lambat habang nangingisda.
Agad niyang iniulat ang insidente sa awtoridad. Mabilis namang nakipag-ugnayan ang pulisya sa DENR-CENRO Roxas at kalaunan ay ipinasa sa Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCDS).
Sa isinagawang pagsusuri nina Wildlife Extension Officers Francis Maestre at Jonatahn Padilla, nalamang nasa maayos na kondisyon ang Balintong. Sa koordinasyon ng PCSDS, MENRO Roxas, DENR-CENRO, at Roxas Municipal Police Station (MPS), matagumpay itong nairelease sa kagubatan bandang 5:17 ng hapon.
Kinikilala ng Bayan ng Roxas ang Palawan Pangolin bilang flagship sa bisa ng Municipal Ordinance No. 780, s. 2020. Dahil dito, nagpaabot ng pasasalamat si Mayor Pedy B. Sabando sa mga residente na nagreport ng upang maibalik ang nasabing hayop sa natural na tirahan.
Ayon sa International Union for Conservation of Nature (IUCN), kabilang ang Balintong o Palawan Pangolin sa critically endangered species. Nanganganib itong tuluyang mawala dahil sa wildlife trade, pagkawala ng tirahan, at kakulangan ng kamalayan sa kahalagahan nito.