Photo courtesy: Amie Bonbon
Ni Rodolfo Idusora
Babala: Sensitibo ang paksa at larawan. Naglalaman ng karahasan. Maging disente sa pagkomento.
Sugatan ang isang lalaki nang saksakin umani siya ng kanyang asawa sa kanilang inuupahang boarding house sa Purok Buhanginan, Barangay San Manuel, Lungsod ng Puerto Princesa, nitong gabi ng Huwebes, Hulyo 9.
Batay sa inisyal na impormasyong nakalap ng news team, nagtamo ng mga sugat sa kanyang braso at iba pang bahagi ng katawan ang biktima. Agad siyang isinugod sa pagamutan upang mabigyan ng kaukulang lunas.
Maayos umanong nagkukwentuhan ang mag-asawa bago nauwi sa pagtatalo ang kanilang pag-uusap hanggang sa humantong sa pananaksak.
Ayon naman sa isang ka-boardmate ng mag-asawa, hindi na bago ang kanilang madalas na pagtatalo. Gayunman, hindi pa malinaw kung ano ang naging ugat ng kanilang huling alitan na nauwi sa pananakit.
Matapos ang insidente, agad na nakarating sa lugar ang mga awtoridad upang alamin ang nangyari at magsagawa ng imbestigasyon.
Patuloy nilang kinakalap ang mga pahayag ng mga saksi at iba pang ebidensya upang matukoy ang buong pangyayari.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na karagdagang detalye ang pulisya tungkol sa kalagayan ng suspek at kung nahaharap na ito sa kaukulang kaso. Hindi rin muna isinapubliko ang pagkakakilanlan ng mag-asawa habang nagpatutuloy ang imbestigasyon.
Hinihikayat ng mga awtoridad ang publiko na iwasan ang karahasan at agad na humingi ng tulong sa mga kinauukulan kung may hindi pagkakaunawaan na maaaring mauwi sa pananakit.
Samantala, inaasahan ang karagdagang impormasyon mula sa pulisya sa mga susunod na oras habang nagpatutuloy ang kanilang imbestigasyon sa insidenteng ito.
Editor’s Note: “Blurred” ang larawan ng biktima alinsunod sa probisyon ng Data Privacy Act.