Photo courtesy :
Repetek News
Ni Clea Faye Cahayag
Nananatiling “manageable” ang sitwasyon ng Brontispa sa lalawigan ng Palawan dahil sa patuloy na information campaign at suportang ibinibigay ng Philippine Coconut Authority (PCA) sa mga magsasaka ng niyog.
Ayon kay Engr. Arlo G. Solano, Acting Division Chief ng PCA-Palawan, regular silang nagsasagawa ng information dissemination upang maturuan ang mga magsasaka ng tamang paraan ng pag-iwas at pagkontrol sa pagdami ng Brontispa, isang insektong sumisira sa mga puno ng niyog.
“Sa ngayon po, hindi naman siya threat pagdating sa ating coconut productivity [r]ito sa lalawigan ng Palawan kasi nakokontrol natin ito,” ani Solano.
Bukod dito, namamahagi rin ang ahensya ng insecticide upang mapuksa ang naturang peste.
Nakatutulong naman ang dalawang laboratoryo na matatagpuan sa bayan ng Aborlan at Brooke’s Point na nagsisilbing pinagkukunan ng mga lokal na Earwigs, isang insektong pangontra sa Brontispa.
“Yan ang tinatawag nating local Earwigs na binibitawan natin sa mga puno ng niyog na mayroong infestation ng Brontispa,” dagdag pa ng opisyal.